Nation

PAG-URONG SA PAGBUBUKAS NG KLASE PAG-AMIN NG ‘DI SAPAT NA KAHANDAAN — SOLONS

/ 15 August 2020

ITINUTURING ng dalawang partylist representatives na pag-amin ng kakulangan ng kahandaan para sa distance learning ang desisyon ng gobyerno na iatras sa Oktubre 5 ang pagbubukas ng klase.

Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, napilitan na ang Department of Education na aminin na hindi pa sila handa para sa ligtas at dekalidad na pagbubukas ng klase matapos na makita ng mga mambabatas ang kalagayan ng sistema ng edukasyon.

“Inamin na sa wakas ng DepEd na hindi pa siya handa sa muling pagbubukas ng klase, gamitin niya ang panahon ngayon para siguraduhing pagdating ng October 5 ay ligtas at kalidad ang ibibigay nitong edukasyon sa ating mga kabataan at hindi maging dagdag na pahirap para sa mamamayan,” pahayag ni Castro.

Ganito rin ang pahayag ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago at idinagdag na patunay rin  ito ng kapalpakan ng gobyerno sa pagtugon sa Covid19 pandemic.

“Maaga pa lang  dapat ay naging bukas na ang DepEd sa rekomendasyon nito kaysa itinanggi pa ang mga hinaharap na suliranin ng mga guro at kawani sa paghahanda para sa blended distance learning,” sabi ni Elago.

Kasabay nito, umaasa ang dalawang mambabatas na gagamitin ng DepEd ang pinalawig na panahon upang mapaghandaan nang husto ang ligtas at dekalidad na pagbubukas ng klase.

Muling iginiit nina Castro at Elago ang pangangailangan sa paglalaan ng pondo para sa personal protective equipment at transportasyon ng mga guro na mamamahagi ng modules bukod pa sa paniniguro na may budget para sa pag-iimprenta ng learning materials.

Kailangan ding tiyakin ng DepEd ang tulong sa mga guro at non-teaching personnel na posibleng mahawahan ng virus.

“Health, and quality of education must not be sacrificed just for the sake of reopening the school year,” idinagdag ni Castro.

“Obligasyon ng gobyerno na tiyakin na makapagpatuloy ng pag-aaral sa gitna ng pandemya kaya kailangan na ring umaksiyon ng DepEd at CHED tungkol sa private education institutions dahil marami pang private schools at college students ang hindi na maka-enroll dahil hindi na kaya ang gastusin,” pagdidiin naman ni Elago.

Nagpasalamat naman ang ilang mambabatas sa administrasyon sa pag-aatras sa pagbubukas ng klase na nagbibigay ng karagdagang panahon upang maplantsa nang maayos ng DepEd ang lahat ng kailangan para sa blended learning.

“This is a tough decision to make but the safety of our teachers, learners, personnel and their families should be our utmost priority,” pahayag ni Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture chairperson Sherwin Gatchalian.

“Ang higit na mahalaga ay maipagpatuloy natin ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral sa isang ligtas at mabisang paraan,” sabi pa ni Gatchalian.

“Listening to the voices  of other sectors especially the parents, teachers and the LGUs paved the way for this appropriate and humane  decision. The extra days given DepEd should enable them to prepare more sustainably given the critical situation we are all in,” pahayag naman ni Senador Francis Tolentino.

“Ang pag-adjust po ng opening ng academic calendar ay malaking bagay dahil matutulungan ang frontliners sa paglaban sa Covid19 at matutulungan din ang DepEd na mabigyan pa ng panahon para maka prepare sa distance learning and blended learning,” ayon naman kay House Committee on Basic Education and Culture chairman Roman Romulo.