Nation

PAG-IMPRENTA NG MODULES ITIGIL NA, GIIT NG TDC

/ 16 October 2020

MULING nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition sa Department of Education na ipatigil na ang pag-iimprenta ng modules na ginagamit ngayon sa mga pampublikong paaralan.

“Sapat na ang dalawang linggo para makita natin at mapatunayan na hindi talaga uubra ang modules na ito. Napakalaki na ng ginugugol na halaga para dito ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito sapat. Maliban pa sa nakita nating problema sa kung paano ito isasagawa ng ating mga mag-aaral at kanilang mga magulang. Sana naman ay ikonsidera na ng DepEd ang agarang pagpapatigil sa produksiyon nito upang maisalba rin ang malaking halagang maaaring masayang mula sa buwis ng taumbayan,” pahayag ni Benjo Basas, national chairperson ng TDC.

Ayon pa kay Basas, bukod sa maraming nakitang mga pagkakamali sa learning modules ay hindi pa maayos ang pagkakaimprenta ng marami rito sapagkat nagkanya-kanya ang mga paaralan sa pag-iimprenta. Matatandaang noon pang kalagitnaan ng Setyembre ay nanawagan na ang grupo na huwag nang gumamit ng modules dahil sa malaking gastos dito at sa halip ay gumamit na lamang ng mga aklat na mas matibay at mas matipid.

Sinabi rin ng grupo na ito ay isang patunay lamang na hindi talaga nakahanda ang ahenisya taliwas sa paulit-ulit nitong mga pahayag.

“Sabi ng DepEd ay handang-handa na sila sa pasukan at itinuring pang tagumpay ang pagbubukas ng klase. Pero bakit ganito ang nangyari? Bakit hindi pa nakahanda ang modules na bandang huli ay DepEd Central Office din mismo ang nagsabi na nahihirapang makaagapay ang mga mag-aaral. Sa lahat ng pagkukulang na ito ng DepEd, mga guro ang nagdusa, mula pag-aabono sa modules, reklamo ng mga magulang at sobrang bigat na mga gawain,” dagdag pa ni Basas.

Ayon pa sa TDC, dapat na agarang gumawa ng pahayag at polisiya ang DepEd na iniuurong na ang paggagawa ng modules alinsunod na rin sa mga naunang pahayag ni Sec. Leonor Briones.

“Si Secretary Briones na mismo ang nagsabi na magastos at may malaking implikasyon sa kapaligiran ang paggamit ng modules, baka raw maubos ang mga puno natin dahil sa malaking pangangailangan sa papel. ‘Yun naman pala eh, bakit kailangan pang ipilit nang ipilit ito?” taong ni Basas.

Ang panawagan sa paggamit ng mga aklat sa halip na modules ay pormal na ring naisumite ng TDC sa dalawang kapulungan ng Kongreso maging sa Malacañang bago pa man magbukas ang klase noong Oktubre 5.