Nation

PAG-APRUBA SA SAGIP KOLEHIYO BILL PINAMAMADALI SA KAMARA

/ 22 January 2021

BUBUO ang House Committee on Higher and Technical Education ng Technical Working Group para himayin ang panukala sa pagbibigay ng scholarship sa mga estudyanteng nawalan ng trabaho ang mga magulang dahil sa Covid19.

Sa virtual hearing ng komite, sinimulang talakayin ang House Bill 7446 o ang proposed Sagip Kolehiyo Act ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na layong ayudahan ang mga nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya, partikular sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng kanilang mga anak.

Sa pagdinig, aminado ang Department of Budget and Management na kung nakapokus ang panukala bilang pagtugon sa mga naapektuhan ng Covid19 ay dapat itong madaliin upang masagip pa ang mga estudyante sa higher education na pansamantalang tumigil sa pag-aaral.

Batay sa panukala, maglalaan ng P5 bilyong pondo para bigyan ng scholarship na hanggang P50,000 ang mga eligible na estudyante.

Iginiit naman ni Association of Local Colleges and Universities Commission on Accreditation President Raymundo Arcega na napapanahon ang panukala lalo pa’t maraming estudyante ang nag-drop out dahil sa kakapusan ng suportang pinansiyal.

Katunayan, sinabi ni Arcega na mayroong naiulat sa kanila ang isang private higher education institution na may 370 estudyante nito ang hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral dahil nawalan ng trabaho ang mga magulang.

Idinagdag ni Arcega na kailangan lamang matiyak sa mga probisyon ng panukala na hindi madodoble ang tulong sa ibang benepisyaryo na rin ng ibang programa ng gobyerno.

“Dapat matiyak natin na ‘yung mga hindi pa nakatatanggap talaga ang mabibigyan ng tulong kasi baka ang iba na nabigyan na mabibigyan pa uli,” diin ni Arcega.

Batay sa panukala, palalawakin ang sakop ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Law  upang masaklaw ang mga estudyanteng ‘no work, no pay’ ang mga magulang o guardian.

Gayundin ang mga anak ng mga jeepney at tricycle driver, mga empleyadong na-lay off sa trabaho at maging ang mga naospital at namatay ang magulang dahil sa virus.