Nation

PAG-APRUBA SA EDUCATION BILLS PINAMAMADALI SA KONGRESO

/ 24 January 2022

HINIMOK ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago ang kanyang mga kasamahan sa Kongreso na bigyang prayoridad at aksiyunan ang mga hinaing ng sektor ng edukasyon sa mga lugar na napinsala ng bagyong Odette sa gitna ng pandemya.

“Isang buwan na mula nang tumama ang bagyong Odette, matindi ang pinsala, marami ang nawalan ng tahanan at wala pa ring maayos na utilidad sa tubig, koryente, komunikasyon, at koneksiyon sa internet,” pahayag ni Elago.

Ipinaliwanag ng kongresista na isa sa lubos na apektado ng kalamidad ay ang edukasyon na matagal na ring nakararanas ng pinalalang krisis mula nang magkaroon ng pandemya.

Tinukoy ng kongresista ang mga nasirang modules at gadgets kasabay ng pagbibigay-diin na kailangan ang mga inklusibo at makataong hakbang upang agarang tulungan ang mga estudyante, guro, mga kawani sa edukasyon at mga apektadong komunidad na makapagpokus sa kaligtasan, kalusugan, kapakanan at pagbangon mula sa sakuna at pandemya.

Inisa-isa ng mambabatas ang mga kahilingan ng sektor ng edukasyon na dapat aksiyunan ng Kongreso.

Kabilang dito ang panawagang  ‘End the Semester Now in Colleges and Universities in Odette-hit areas’ na ilang malalaking pamantasan at kolehiyo na ang nagpatupad bilang konsiderasyon sa kalagayan ng mga stakeholder nito.

Iginiit din ang pagpapatupad ng ‘No Fail Policy’ at ‘No Forced Drop Policy’ bukod pa sa pagbibigay ng student at teacher aid; pagpapatupad ng Comprehensive Rebuilding and Rehabilitation Disaster Risk Reduction; Management, Climate Action, Pandemic Response at Recovery measures at ang pagdedeklara ng dalawang linggong health breaks sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3.

Kasama pa sa ibang priority measures ang Ayuda bill, gayundin ang UP-DND Accord, Academic Freedom, at Sangguniang Kabataan compensation bills.