PAG-AARAL NG 14 MEDICAL SCHOLARS SAGOT NG MARIKINA LGU
SAGOT ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang pagpapaaral sa mga maralitang estudyante na nag-aaral ng medisina sa iba’t ibang pamantasan.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro, bagaman malaking gastos ang magpaaral ng medisina, sulit naman ito sa oras na nakapagpatapos na.
Sa isang simpleng pagtitipon nitong Huwebes ng umaga kung saan iniabot ni Mayor Teodoro ang tseke para sa pag-aaral ng mga medical scholar, ipinaalala ng alkalde na ang pinakamahusay na paraan para gumaling ang isang may sakit ay ang pag-aalaga ng kanyang kapwa at ang pagpaparamdam na mahal siya nito.
Pinagsisikapan din, aniya, ng pamahalaang lungsod na mas dumami pa ang doktor sa lungsod na mayroong malasakit sa kapwa.
Dumalo sa simpleng pagtitipon sina Vice Mayor Marion Andres, Councilor Manny Sarmiento at Councilor-elect Jojo Banzon.
Sa kasalukuyan, ang Marikina ay mayroon nang 14 na medical scholars na tuloy-tuloy na nakapag-aaral sa iba’t ibang unibersidad.