PAG-AALIS SA BOARD EXAMS KAILANGANG PAG-ARALANG MABUTI — DUQUE
NANINDIGAN si Health Secretary Francisco Duque III na kailangan ng ibayong pag-aaral kung dapat ibasura ang licensure examinations sa mga nurse at iba pang professionals.
Una nang inilutang ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang ideya na alisin na ang licensure exams dahil nagiging dagdag gastos lamang ito sa mga kukuha ng pagsusulit.
Sinabi ni Bello na marami nang pinagdaanang pagsusulit ang mga graduate mula sa isang Commission on Higher Education-accredited institution.
Kinalaunan, nilinaw ni Bello na ang nais lamang niya ay pag-aralang mabuti ang mga pagsusulit ng Philippine Nurses Association at Professional Regulation Commission at hindi naman tuluyang ibasura.
Iginiit naman ni Duque na kailangang kumbinsihing maigi ni Bello ang mga mambabatas para isulong ang pag-amyenda sa Nursing Act at PRC law.
“That needs further study as there are laws that require professionals to pass board exams prior to issuance of a license,” paliwanag ni Duque.