P963-M FUNDS SA LIBRO SAAN NAPUNTA? USISA NG LAWMAKER SA DEPED
GINISA ni SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta ang Department of Education kaugnay sa inilaang pondo sa libro ngayong taon at sa 2021 gayong modules naman ang ipagagamit sa mga estudyante.
Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations, tinanong ni Marcoleta kung saan napunta ang budget ng DepEd na P963 milyon ngayong taon para sa procurement ng mga libro at ang kaparehong halaga para sa 2021.
“Did you procure books for this year? Wala nga silang prinocure. Ganito sila ka-chaotic, walang kaplano-plano,” galit na pahayag ni Marcoleta kung saan hindi nakasagot ang ahensiya.
Kinuwestiyon din ni Marcoleta ang desisyon ng DepEd na gumawa ng modules na popondohan ng P9 bilyon para sa 2021 para sa online learning sa halip na pagamitin ng mga textbook ang mga estudyante.
Sa pahayag ng DepEd, 59 porsiyento na ng mga modules ang kanilang naimprenta at marami na ring division ang kanilang nabigyan para sa October 5 class opening.
“P9 billion ang budget. Paano pag-produce (modules)? May standard printing ba? Ang papel pare-pareho ba gagamitin?” sunud-sunod na tanong ni Marcoleta.
Nilinaw naman ng DepEd na gagamitin pa rin ang mga textbook bilang supplementary reference material.