P848-B BUDGET HILING NG DEPED PARA SA 2023
NASA P848 bilyon ang hinihinging budget ng Department of Education para sa susunod na taon.
“’Yung actual na budget na hinihingi po ng DepEd for 2023 is P848 billion,” wika ni DepEd spokesman Atty. Michael Poa sa isang press conference Huwebes ng umaga.
Ayon kay Poa, ipinasa na nila sa Department of Budget and Management ang nasabing budget proposal.
“Medyo binabago ng DBM ‘yung budget natin, although we’re standing firm on our budget proposal kasi kailangan talaga namin ‘yan,” ani Poa.
Sinabi rin ng tagapagsalita ng DepEd na hinihiling din nila sa DBM ang karagdagang P18 bilyon na budget para sa reconstruction at rehabilitation sa mga eskwelahan na winasak ng mga bagyong Odette at Agaton at ng lindol sa Abra at sa mga karatig-lalawigan nito.
“Ngayon po doon sa lindol, actually hindi lang po doon sa lindol kasama din ‘yung mga paaralan na apektado pa rin ng Typhoon Odette at Agaton, the DepEd has already requested from the President additional budget of P16 billion,” ani Poa.
“This P16 billion is supposed to cover yung ating mga napinsalang mga eskwelahan doon sa Typhoon Odette and Agaton. At doon naman po na naapektuhan ng lindol katulad ng sabi ko, pataas nang pataas. Right now, we are really looking at the estimated cost, so it change of P2.1 billion. So, nandun po tayo sa talagang P18 billion ang kailangan natin para mapagawa lahat ng mga schools na ito,” dagdag pa niya.
Sinabi rin niya na nagre-realign din ang kagawaran kung may mga proyekto na hindi naman priority o hindi na matutuloy, kung may savings.
“Nire-realign natin ‘yan ngayon para po din po doon sa quick intervention natin sa mga temporary learning spaces,” ani Poa.