P750-B KAILANGAN PARA MASOLUSYUNAN ANG KAKAPUSAN NG MGA SILID-ARALAN
MANGANGAILANGAN ang Department of Education ng P750 billion para makapagpatayo ng karagdagang 150,000 na silid-aralan upang makamit ang ideal ratio na 40 estudyante sa bawat classroom.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kaugnay sa pagbubukas ng klase sa School Year 2024-2025, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas na kabuuang 24 milyon ang nakapag-enrol sa mga public basic educational institution na katumbas ng 87% ng target na 27.7 million.
Iniulat din ni Bringas na sa ngayon, ang classroom congestion ay naitala sa National Capital Region, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Region 4A mula elementary hanggang senior high school.
Itinuturing na congested ang classrooms kapag mas mataas pa sa 45 ang estudyante sa bawat silid-aralan.
Nasa 2,128 paaralan naman ang nagpapatupad ng double shifting ng klase habang 41 pa ang may triple shifting at 93 ang nagpapatupad ng combination.
Samantala, pinuna ni Senador Sherwin Gatchalian ang maikilng school days para sa School Year 2024-2025 na ngayon ay itinakda sa 173 days para makahabol sa target na pagbabalik ng class opening sa buwan ng Hunyo sa susunod na school year.
Sinabi ni Gatchalian na masyadong masikip ang itinakdang school days kung saan wala nang espasyo para sa class suspension dulot ng mga bagyo o iba pang kalamidad.
Ipinaliwanag naman ng DepEd na hindi na rin sila nagpapatupad ng class suspensions dahil maaaring mag-shift sa distance learning ang bawat paaralan kung hindi maaring magsagawa ng face-to-face classes.
Dito naman pinatitiyak nina Gatchalian at Senadora Nancy Binay na maayos at epektibo ang distance learning mode na ipatutupad upang masiguro na hindi maiiwanan ang mga estudyante.