Nation

P5K-P10K TEACHING SUPPLIES ALLOWANCE LUSOT NA SA 2ND READING SA SENADO

/ 14 October 2020

INAPRUBAHAN na sa 2nd reading sa Senado ang panukalang pagbibigay ng teaching supplies allowance sa mga pampublikong guro.

Sa ilalim ng panukala, itataas sa P5,000 ang P3,500 na teaching allowance ng mga guro sa mga pampub-likong paaralan simula sa school year 2021-2022 hanggang 2022-2023.

Pagsapit ng school year 2023-2024 ay gagawin na itong 7500 at itataas sa P10,000 pagdating ng school year 2024-2025.

Sa period of interpellation, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kailangang timbangin ang kakayahan ng gobyerno na mapondohan ang dagdag na allowance para sa mga guro sa gitna na rin ng dinaranas na krisis ng bansa bunsod ng Covid19.

Kinatigan naman ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., sponsor ng Senate Bill 1092, ang pahayag ni Drilon at sinabing ito ang dahilan kaya sa panukala ay gagawing staggard ang pagtataas ng allowance.

Bukod kay Revilla, co-author sa panukala sina Senador Ralph Recto, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian at Pia Cayetano.

Ang teaching supplies allowance ng mga pampublikong guro ay magagamit sa pagbili ng chalk, erasers, forms at iba pang classroom supplies at materials.