Nation

P50K MULTA SA MAGPAPATUPAD NG ‘NO PERMIT, NO EXAM’ POLICY ISINUSULONG SA KAMARA

/ 22 December 2020

ISINUSULONG ni South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand Hernandez ang panukala na magpapataw ng parusa sa mga guro o school personnel na magpapatupad ng ‘no permit, no exam policy’.

Sa House Bill 1363 o ang proposed Anti-No Permit, No Exam Act, ipinaalala ni Hernandez na mandato ng Estado na bigyang prayoridad ang edukasyon, science and technology, arts and sports para sa patriotism at nationalism bukod pa sa promosyon ng pag-unlad.

Gayunman, sinabi ng kongresista na may mga paaralan, kolehiyo at unibersidad ang nagbabawal sa mga estudyante na makakuha ng eksaminasyon dahil sa kabiguang magbayad ng matrikula.

“This practice assumes that education is merely a privilege, which it is not. Education is a right, which must be fully protected by the State,” pahayag ni Hernandez.

“This bill aims to allow students to be able to still take their examinations, while still protecting the rights of schools to payment of tuition and/or other school fees,” dagdag ng kongresista.

Saklaw ng panukala ang lahat ng educational institutions, kabilang ang primary, secondary o tertiary pampubliko man o pribado, kasama na ang technical-vocational at higher education institutions.

Alinsunod sa panukala, kikilalanin ang karapatan ng mga estudyante, partikular ang payagan silang makakuha ng pagsusulit kahit may utang pa sa matrikula.

Idineklara ring unlawful act sa panukala ang pagkuha muna ng permit ng estudyante sa school authorities bago bigyan ng pagsusulit at ang pag-oobliga sa estudyante na magbigay ng down payment o first installment na katumbas ng 30 percent ng kabuuan ng tuition at iba pang school fees.

Gayunman, kinikilala rin sa panukala ang karapatan na paaralan na hindi magpalabas ng clearance hanggang may financial obligation ang isang estudyante.

Ang sinumang school official o employee, kabilang na ang dean, coordinator, adviser, professor, instructor at iba pang school personnel na lalabag sa batas ay papatawan ng multang P20,000 hanggang P50,000.

Ang makokolektang multa ay ipapasok sa special fund na gagamitin sa scholarships ng Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority.