P5,000 SUPPLIES ALLOWANCE NI TITSER MAY PAGKUKUNAN NG PONDO – SOLONS
POSITIBO si Senate Committee on Finance chairperson Sonny Angara na may mapagkukunan sila ng pondo sakaling maaprubahan ang panukala na itaas sa P5,000 ang teaching supplies allowance.
Sa pagsisimula ng debate sa plenaryo hinggil sa Senate bill 1092 o ang proposed Teaching Supplies Allowance Act, nagpahayag ng pangamba si Senate Minority Leader Franklin Drilon na kung ipapasa ang panukala, posibleng maging unfunded program lamang ito.
Sa gitna ng deliberasyon, nanawagan si Gordon sa kanyang mga kasamahan na tiyakin muna ang pagpopondo sa panukala bago nila ito aprubahan.
“I am in support of this bill and I would like to be co-author. But upon perusal, this is a bill that relies on an inchoate situation, in other words, in expectancy. In other words, kung hindi natin mapapasok sa national expenditure program, kung di mapapasok sa GAB and later on sa General Appropriations Act, there might be rank demoralization again, pagtatawanan tayo,” pahayag ni Gordon.
Sa argumento naman ni Senador Win Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Culture and Arts at isa ring author ng bill, isa sa maaaring pagkunan ng pondo ay ang mga Lakbay-aral na kahit sa susunod na taon ay hindi maisusulong bunsod ng Covid19 pandemic.
Binigyang-diin naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na taon-taon, isa rin sa posibleng paghugutan ng pondo ay ang savings ng Department of Education kung hindi man ito naisama sa proposed 2021 budget at sa mga susunod na taon ay tiyaking mailalagay na sa pambansang pagpopondo.
Sa huling bahagi ng debate, iginiit ni Angara na kung nasa P1.2 bilyon lamang ang kakailanganin para sa panukala ay mahahanapan nila ito ng pondo at maisasama sa proposed 2021 national budget.