Nation

P5,000 CASH ALLOWANCE SA PUBLIC SCHOOL TEACHERS

/ 20 August 2022

MAGKAKALOOB ang Department of Education ng P5,000 cash allowance sa lahat ng guro sa mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase sa Agosto 22.

“This is just to augment and give them additional assistance doon sa mga kakailanganin nila sa pagbabalik-eskwela,” wika ni DepEd spokesperson Michael Poa sa joint press conference kahapon sa DepEd central office sa lungsod ng Pasig.

Dagdag pa ni Poa na target nilang i-release ang P5,000 cash allowance sa loob ng unang linggo ng pagbubukas ng klase.

Subalit sinabi ni Poa na kanya munang kukumpirmahin kung sa mga school division ibababa ang nasabing cash allowance para sa mga guro.

“Makakatulong po iyan sa preparations nila for the upcoming school year,” dagdag pa ng opisyal.

Nilinaw rin ng opisyal na iba ito sa chalk allowance na bahagi ng school’s maintenance and other operating expense o MOEE.

Samantala, sobrang delayed na ang P5,000 teachers’ allowance, ayon sa Alliance of Concerned Teachers.

“Nagpatomg- patong na ang abono ng mga guro sa Brigada Eskwela, hindi pa dumarating ang cash allowance,” pahayag ni Vladimer Quetua, chairperson ng nasabing grupo.

Sobrang kulang, aniya, ang P5,000 cash allowance sa isang buong taon para sa mga pangangailangan ng guro sa pagtuturo.

“May mga guro na lampas P5,000 na ang sariling gastos sa pagsasaayos ng kanilang klasrum. Nasa P25 kada araw ng klase lamang ang katumbas ng P5,000 cash allowance. Hindi na lamang chalk at class record ang binibili ng guro ngayon. Nangungutang ang mga guro para makabili ng laptop, printer at projector dahil ito ang hinihiling ng aming trabaho,” ani Quetua.

“Gusto ng DepEd ng 21st century learning pero ang antas ng suporta sa guro ay pang 19 kopong-kopong pa. Dapat taasan ang cash allowance kahit man lamang 10,000,” dagdag pa niya.