Nation

P5-B INTERNET ALLOWANCE PARA SA MGA GURO, ESTUDYANTE IPINASASAMA SA BAYANIHAN 3

/ 29 December 2020

SA GITNA ng pagpapatuloy ng online/distance learning sa nalalabi pang mga buwan ng School Year 2020-2021,  iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang paglalaan ng dagdag na pondo para sa internet allowance hindi lamang ng mga guro kundi maging ng mga estudyante.

Sa pagsusulong ng Senate Bill 1953 o ang proposed Bayanihan to Rebuild As One Act, sinabi ni Recto na kailangan pang maglaan ng mga dagdag na ayuda upang tuluyang makabangon ang ekonomiya mula sa sunod-sunod na pagsubok sa bansa.

Tinukoy ni Recto ang Covid19 pandemic at ang sunod-sunod na bagyo na nanalasa sa bansa.

Sa ilalim ng panukala na tinawag ding Bayanihan 3, kabuuang P485 bilyon ang ilalaang pondo sa iba’t ibang pangangailangan.

Kasama na rito ang paglalaan ng gobyerno ng P3 bilyong pondo para sa internet allowances ng Department of Education sa K to 12 teachers at students.

Bukod dito, bibigyan din ng P2 bilyong pondo ang Commission on Higher Education para naman sa internet allowance sa tertiary level teachers and students.

“While vaccine shots are hopefully available next year  to inoculate millions of Filipinos, Bayanihan 3 should nevertheless be enacted in order to help the economy further recover,” diin ni Recto sa kanyang explanatory note.

Alinsunod sa panukala, bubuo ng Bayanihan Council mula sa  ehekutibo at lehislatura para magmonitor sa pagpapalabas ng pondo.

Magiging miyembro ng konseho ang Senate President, House Speaker, pitong cabinet members na itatalaga ng Pangulo, tatlong miyembro ng Senado at tatlong miyembro ng Kamara.