Nation

P4.6-B KAILANGAN PARA MAPALAWAK ANG MEDICINE PROGRAM — CHED CHIEF DE VERA

/ 22 September 2020

TINATAYANG nasa P4.6 bilyon ang kakailanganing pondo sa pagpapalawig ng medicine prorgam para sa Doktor Para sa Bayan o ang medical scholarship bill, ayon kay Commission on Higher Education chief Prospero de Vera III.

Sa pagdinig sa Senado sa panukalang P50 bilyong budget ng CHED para sa 2021, iprinisinta ni De Vera ang mga kailangang dagdag pondo para magbukas ng mga bagong medical school at palawigin ang kasalukuyang programa sa medical course.

“The projected budget for the expansion of the medical program under the Doktor Para sa Bayan bill will be about P4.6 billion. So, this is the bare-bones budget that has been estimated to increase the number of medical students to about 5,368 per year,” pahayag ni De Vera.

Kasama sa computation ang P1 bilyon para sa paunang operasyon ng tatlong state universities and colleges na nag-a-apply para magkaroon ng College of Medicine na kinabibilangan ng Cebu Normal University, Western Mindanao State University sa Zamboanga City at University of Southeastern Philippines sa Davao City.

Kailangan din ng P1.17 bilyon para sa 30 porsiyentong dagdag sa kapasidad ng mga SUC na kasalukuyang may College of Medicine, bukod pa sa P2.45 bilyon para sa mga SUC na may potensiyal ding mag-alok ng medicine program.

Sa kasalukuyan, ang mayroon pa lamang Doctor of Medicine program ay ang Mariano Marcos State University, University of Northern Philippines, Cagayan State University, Bicol University, West Visayas State University, University of the Philippines School of Health Sciences, University of the Philippines-Manila at Mindanao State University-Marawi.

Wala namang SUCs na nag-aalok ng medicine course sa Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Mimaropa, Calabarzon, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at Soccsksargen.

Ipinaalam naman ni Senador Joel Villanueva sa komite na batay sa datos, sa 26,000 students na kumuha ng National Medical Admission Test noong 2019, 10,000 ang mula sa mga rehiyon na walang SUC na may medicine program.