Nation

P37-M KITA MAWAWALA SA LRT-2 SA LIBRENG SAKAY NG 2.2M STUDENTS

/ 18 August 2022

TINATAYANG aabot sa P37 milyon ang inaasahang mawawalang kita ng Light Rail Transit Line 2 sa ipatutupad na ‘Libreng Sakay’ sa mga estudyante simula sa Lunes, Agosto 22, hanggang Nobyembre 5.

Ang nasabing halaga ay kinalkula sa 2.2 milyong estudyante na makikinabang sa nasabing programa, ayon kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera.

Gayuman, tiniyak ni Cabrera na handa silang isakripisyo ang nasabing halaga bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos at bilang suporta sa pagbabalik ng face-to-face classes para sa kapakanan ng kalidad na edukasyon.

Sinabi rin ni Cabrera na sapat ang kanilang pondo para sa operasyon at katunayan, tumatakbo sila mayroon o walang free rides sa mga estudyante.

“Umpisa ito sa Agosto 22 hanggang Nobyembre 5, pagdating sa pondo, puwede tumakbo ang tren kahit wala estudyante, so given na with o without students, kasama na sa pondo namin ‘yung pagpapatakbo ng Line 2, ang mawawala lang sa amin ‘yung oportunidad na kumita sana, we lost the opportunity to earn sana from the student kasi nga libre ang kanilang (students) sakay, doon sa latest na calculation, aabutin mula August 22 hanggang November 5, mga P37 million ang mawawalang oportunidad sa amin,” ayon kay Cabrera.

Samantala, upang ma-avail ang free rides, ipakita lamang ng mga estudyante ang kanilang school identification card at hindi puwede ang kuha sa cellphone o kaya naman ay ang kanilang enrollment form.

Libre ang sakay sa mga estudyante mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi; Lunes hanggang Sabado habang walang free rides kapag Linggo at holidays.

Sakop ng free rides ang pre-schooler hanggang college at ang mga kumukuha ng masteral degrees o graduate studies ay may bayad ang pasahe.