P33-B KAILANGAN NG DEPED PARA SA LAPTOP NG MGA GURO
AABOT sa P33 bilyon ang kinakailangan ng Department of Education para mabigyan ng laptop ang mga guro na kanilang magagamit sa distance learning sa gitna ng Covid19 pandemic.
Sa pagtalakay ng House Committee on Appropriations sa 2022 proposed P630.766 billion budget ng ahensiya, sinabi ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na kasama sa nais nilang iprayoridad na programa ang kanilang computerization subalit nakadepende rin ito sa pondong ilalaan sa kanila.
“If we will be providing all teachers with the needed laptops considering the existence of laptops that we have now, we still need P33 billion. This amount to provide everybody with laptops, and then we need another P4 billion for data connectivity for next year for 12 months of connectivity,” pahayag ni Pascua.
Kasunod ito ng pagtatanong ni ACT Teachers partylist Representative France Castro sa DepEd kung kakayanin nitoong bigyan ng gadget ang lahat ng mga guro at estudyante na kailangan nila sa distance learning.
Sinabi ni Pascua na malaki ang naging tulong ng pondo mula sa Bayanihan 2 para sa pagbibigay ng laptop sa mga teaching personnel.
Ipinaliwanag ng opisyal na sa ilalim ng Bayanihan 2, nasa 40,000 laptops ang naideliver na nitong Hunyo pero sa kabuuan, nasa 211,000 na laptops na ang naipamahagi.
Idinagdag pa ni Pascua na mayroon pang 36,676 laptops ang nakatakdang ipamahagi mula sa 2020 fund at 65,683 laptops para ngayong taon at sa kabuuan ay aabot na sa 353,286 ang bagong laptops.
Itinuro naman ni Pascua sa Department of Infromation and Communications Technology ang isyu ng data connectivity subalit tiniyak na patuloy ang kanilang mga hakbangin upang maisaayos ang mga problema ng mga guro at estudyante sa connectivity.
“We have allotted P700 million to procure data connectivity or satellite connectivity for last mile schools and is being procured right now, and for Bayanihan 2, we provided for the data connectivity for teachers and for personnel of DepEd,” paliwanag ni Pascua.
Ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, ang kanilang panukalang budget para sa susunod na taon ay anim na porsiyentong mas mataas kumpara sa 2021 budget.