P30K ONE-TIME GRANT SA MGA ANAK NG OFWs IBIGAY NA — SEN. GO
PINAALALAHANAN ni Senador Bong Go ang Commission on Higher Education kaugnay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbibigay ng ayuda sa mga anak ng overseas Filipino workers na naapektuhan ng Covid19 pandemic.
Tinukoy ni Go ang one-time grant na P30,000 para sa college students na anak ng mga OFW na nawalan ng trabaho at napauwi sa bansa o mga nasawi o tinamaan ng virus.
Ipinaliwanag naman ni CHED Commissioner Popoy de Vera na naghihintay pa sila ng pondo mula sa Department of Budget and Management upang maipamahagi ang naipangakong tulong.
“Doon sa scholarship for OFW familes, ‘yung memoradum of agreement ng DOLE at CHED is ready for signature. Ni-request na ho namin ang funding sa DBM more than a month ago, hindi pa po naibibigay sa amin. Pagdating ho ng pera sa amin, we can implement it immediately,” pahayag ni De Vera.
Nangako si De Vera na sa sandaling mailabas ang pondo ay sisimulan na nila ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa scholarship.
“Paalala lang po sa lahat ng ahensiya ng gobyerno: Dapat kung may binitawang salita, maibigay at huwag tagalan ang serbisyo. Siguraduhin nating matutupad ito,” diin ni Go.
Sa datos, nasa 33,000 na estudyante na naka-enroll o mag-eenroll pa lamang sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad ang inaasahang mabebenepisyuhan ng ayuda.
Samantala, nangako ang senador sa CHED na tutulong din sa pag-apela sa DBM upang maibalik sa kanila ang tinapyas na pondo para sa scholarship grants.
Ito ay makaraang ipaliwanag ni De Vera na pinakamalaking naibawas sa kanilang hinihinging 2021 budget ang pondo para sa student financial assistance program.
“Marami pong hindi ini-release for 2020 because these are realignments done by our legislators to add money to scholarships, hindi ho na-release ‘yan. Kaya if you look at the comparative budget from 2020 General Appropriations Act which is P3.7 billion, ang 2021 P1.5 billion lang ho, so it’s a reduction of 60% for student’s financial assistance program,” paliwanag pa ni De Vera.
“That’s the biggest reduction by budget item so we would like to appeal to the Senate if they could realign funds to keep our scholarship. Ang marami ho kasi dito continuing scholars, ‘pag nawala ang pondo, talagang titigil po, kakapusin ang pera,” dagdag pa ng CHED Chairman.