Nation

P2,500 SCHOLARSHIP ALLOWANCE SA MUNTINLUPA LEARNERS

/ 23 October 2022

NATANGGAP na ng 2,346 estudyante ang kanilang scholarship allowance mula sa lokal na pamahalaan ng Muntinlupa.

Sinabi ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na ang edukasyon ay isa sa nasa listahan ng kanyang prayoridad na kabilang din sa kanyang 7K Agenda.

Base sa repot ng Muntinlupa Scholarship Division, ang mga benepisyaryo ng scholarship allowance ay nasa Grade 7 hanggang Grade 10 ng Tunasan National High School na tumanggap ng kanilang ikalawang tranche ng educational assistance nitong Oktubre 19.

Ang bawat estudyanteng benepisyaryo ay makatatanggap ng P2,500 scholarship allowance na may kabuuang halaga na P5.86 milyon.

Mayroon pang 4,693 estudyante ng high school sa ibang eskwelahan ang tumanggap din ng kanilang allowance mula sa lokal na pamahalaan nitong Oktubre 20.

Makakakuha rin ng allowance ang mga estudyante ng Pedro E. Diaz High School at Muntinlupa Business High School-Sucat Annex sa Oktubre 21 at Oktubre 24, ayon sa pagkakasunod.

Simula Agosto ng nakaraang taon ay napagkalooban ng allowance ng lokal na pamahalaan ang 82,442 scholars ng elementarya, high school, kolehiyo, gayundin sa lebel ng mga propesyunal.

Sa kabuuang bilang ng napagkalooban ng allowance ay 71,195 ang mga estudyante sa elementarya hanggang senior high school, 9,262 ang nanggaling sa kolehiyo habang 258 naman sa lebel ng mga propesyunal.

Ang scholarship sa kolehiyo ay binubuo ng ACE-PLMun Scholarship, 10 Most Outstanding Students, CARES Scholarship para sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad, at SUC Scholarship sa state universities at colleges.