Nation

P16.8-M LEARNING MATERIALS WINASAK NI ‘ULYSSES’

/ 24 November 2020

AABOT sa P16.8 milyon ang halaga ng learning materials na hindi na mapakikinabangan nang malubog ang mga ito sa baha dulot ng bagyong Ulysses.

Ayon sa Department of Education, nasa 86,292 learning materials na karamihan ay mula sa Bicol region ang nasira ng bagyo.

Bukod sa Bicol, labis ding naapektuhan ang mga paaralan sa Cordillera Administrative Region, National Capital Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.

Kasama sa learning materials na nasira ang 23,387 computer sets mula sa mga pampublikong elementary at high school.

Umaabot din sa 1,799 eskuwelahan ang nawasak ang imprastraktura at kinakailangan umano ng ahensiya ng P3.6 bilyon para sa gagawing konstruksiyon at rehabilitasyon.

Kinakailangan din ng DepEd ng P38.9 bilyon para sa kakailanganing overall response and recovery subalit sa ngayon ay mayroon pa lang silang P5.7 milyon para sa ibang kakailanganing imprastraktura.

Inihayag din ng DepEd na nasa P1.4 milyong cash ang naipon ng ibang regional at division units para naman sa mga naapektuhan ng bagyong Ulysses.

Patuloy pa rin ang monitoring ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service sa mga binaha at inabot ng landslide na mga paaralan dahil sa nasabing bagyo.