P1,500 MONTHLY INTERNET ALLOWANCE SA MGA GURO ISINUSULONG SA KAMARA
ISA pang panukala para sa pagkakaloob ng internet allowance sa mga pampublikong guro ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso subalit magiging limitado lamang sa panahon ng pandemya.
Ang House Bill 7799 o ang proposed Internet Allowance for All Public School Teachers Act ay inihain ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo upang maayudahan ang mga guro sa gitna ng Covid19 crisis.
Sinabi ni Quimbo na batay na rin sa impormasyon mula sa Department of Education, 48 porsiyento lamang ng public schools ang may internet connection at 49 prosiyento lamang ng mga guro ang may sariling koneksiyon.
Ngangahulugan ito, ayon kay Quimbo, na maraming guro ang nahaharap sa dagdag na gastusin ngayong pasukan para lamang makatugon sa online classes.
“An entry-level public school teacher at Salary Grade 11 earns a basic pay of P22,316 a month. Puchasing a laptop or computer with basic specifications would cost almost an entire month’s pay. Further, paying for the internet will not become a regular monthly expense, given continuous online class sessions,” pahayag ni Quimbo sa kanyang explanatory note.
Sa panukala, ibibigay ang P1,500 na buwanang internet allowance sa mga guro na kasama sa blended learning program sa public basic education at tatagal sa panahong ipinatutupad ang bagong sistema ng pag-aaral.
“The quality of our students’ learning greatly depends on their teachers and the efficiency of instruction,” paalala pa ni Quimbo.