Nation

P1,500 INTERNET ALLOWANCE SA MGA GURO IGINIIT

/ 29 August 2021

DAPAT nang aprubahan ang panukala para sa paglalaan ng P1,500 na buwanang internet allowance sa mga guro, ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro

Sinabi ni Castro na dapat patunayan ng Kongreso na hawak nila ang ‘power of the purse’ at isulong ang dagdag na panggastos ng mga guro sa kanilang pagtuturo.

“Muli, pinapanawagan natin dahil sinasabi naman na ang House of Representative ang purse ng ating gubyerno at tayo ang bahala, kung kaya tayo po ay magpu-push na magpondo doon sa P1,500 internet allowance ng mga teachers natin at tsaka ‘yung computerization program na dapat lakihan,” pahayag ni Castro.

Muli ring iginiit ng kongresista sa Department of Education ang maayos na paglalatag ng sistemang ipatutupad sa distance learning para sa School Year 2021-2022.

“Ilang linggo na lang ay sasabak na muli sa blended learning ang teachers, wala pang kasiguraduhan kung may mga face-to-face classes na sa ibang areas,” diin ni Castro.

Kasabay nito, muling sinita ng kongresista ang pagbibigay prayoridad sa pagpopondo ng mga programa ng bawat ahensiya ng gobyerno.

“Ang tanong nga ng mga teachers, mas mahalaga pa ba ngayon ang P28.1 billion ng NTF-ELCAC versus school feeding na P3.32 billion na binawasan nga ito, Flexible Learning Options na P15.21 billion at Computerization Program na P11.64 billion. Dapat dito ilaan ang P28.1 billion mula sa NTF-ELCAC na napatunayan naman na ginamit lang sa karahasan, ginamit lang ito sa red-tagging, at pananakot sa ating mga komunidad,” dagdag pa ni Castro.