Nation

P15-M MULTA, 6 TAON NA KULONG SA INTERNET PROVIDER NA PABAYA VS CHILD PORNOGRAPHY

ISINUSULONG ni Senadora Imee Marcos ang panukalang mag-aamyenda sa Anti-Child Pornography Act of 2009 at nais patawan ng parusa ang mga internet service provider na walang ginagawa upang mapigilan ang pang-aabuso sa mga bata.

/ 3 October 2020

ISINUSULONG ni Senadora Imee Marcos ang panukalang mag-aamyenda sa Anti-Child Pornography Act of 2009 at nais patawan ng parusa ang mga internet service provider na walang ginagawa upang mapigilan ang pang-aabuso sa mga bata.

Sa Senate Bill 1854, sinabi ni Marcos na sa kabila ng pagpapatupad ng Republic Act 9775,  o ang Anti-Child Pornography of 2009, nananatili ang Filipinas bilang ‘world’s largest known source’ ng online child sexual exploitation.

Batay sa pag-aaral ng International Justice Mission, dahil sa pagiging ‘fluent’ ng mga Filipino at sa malawakang internet connectivity sa bansa, nagiging global hotspot sa child pornography ang Filipinas.

Iniulat naman ng Department of Justice-Office of Cybercrime na tumaas ng 264.6 percent ang bilang ng mga batang nabiktima ng pedophiles sa internet mula Marso hanggang Mayo ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2019.

“There has been a growing demand to hold Internet Service Providers more accountable for indirectly facilitating the commission of online child exploitation crimes on a daily basis,” pahayag ni Marcos sa kanyang explanatory note.

Tinukoy rin ng senadora sa kanyang panukala ang inilabas na public advisory ng DOJ kaugnay sa paggamit ng video conferencing services sa online classes na ikinatuwa rin ng Department of Education.

“The public advisory aims to promote learning in a safe environment, while at the same time recognizing the threats for children in the cyberspace,” idinagdag pa ni Marcos.

Sa kanyang panukala, nais ni Marcos na obligahin ang mga Internet Service Provider na regular na maglagay ng mga latest version ng technology, program o software na haharang sa anumang uri ng child pornography.

Inoobligahan din sa panukala ang mga ISP na magsumite ng annual report sa National Telecommunications Commission sa estado ng technology, program o software na kanilang inilagay.

Nakasaad din sa panukala ang pagpapataw ng multang mula P5 milyon hanggang P10 milyon sa mga lalabag na ISP sa unang pagkakataon, habang sa mga susunod na paglabag ay itataas ang multa sa P11 millyon hanggang P15 milyon at may posibilidad na makansela ang kanilang license to operate.

Habang ang mga opisyal o director ng ISP na lumalabag sa batas ay papatawan ng prision correccional o pagkabilanggo na mula anim na buwan hanggang anim na taon.