Nation

P15-B BUDGET HILING NG TESDA PARA SA 2022

/ 11 August 2021

KABUUANG P15 bilyon ang hinihinging budget ng Technical Education and Skills Development Authority para sa kanilang operasyon sa susunod na taon.

Sa briefing ng House Committee on Higher and Technical Education, sinabi ni TESDA Director General Isidro Lapena na nais nilang tutukan sa susunod na taon ang pagtatayo ng innovation centers.

Ayon kay Lapena, layon nitong matugunan ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address na pagtuunan ng pansin ang upskilling ng mga Pilipino upang tumaas ang kanilang employability o tsansa na magkaroon ng trabaho.

Ipinaliwanag naman ni TESDA executide director Rosalina Constantino na ang hinihingi nilang budget para sa susunod na taon ay mas mataas ng limang porsiyento kumpara sa kanilang pondo ngayong taon na P14,464,356,000.

Sa kabuuan, aabot sa P15,768,758,978 ang budget proposal ng TESDA para sa 2022.

“We are looking forward to the increase of this budget for 2022 to help build the long-term resilience of our countrymen and help prepare our workers for the constantly evolving world of work in this age of technological transformation,” sabi ni Constantino.

Kasabay nito, iniulat ng TESDA na simula noong 2016 hanggang ngayong taon, umabot na sa 10.68 milyon ang enrolees sa Technical and Vocational Education and Training.

Sa naturang bilang, 9.90 milyon ang naka-graduate kung saan 7.22 milyon ang na-assess at nasa 92.9 percent ang certification rate.

Noong 2019, naitala nila sa 70.5 percent ang employment rate ng TVET graduates o pito sa bawat 10 graduates ang nagkaroon ng trabaho.