P10K-P20K TEACHING SUPPLIES ALLOWANCE ISINUSULONG
ITINUTULAK ng ilang kongresista ang pagbibigay ng teaching supplies allowance sa mga pampublikong guro bilang pagkilala sa kanilang debosyon sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa mga estudyante.
Ang House Bill 7744 o ang proposed Teaching Supplies Allowance Act of 2020 ay iniakda nina Leyte First District Rep. Ferdinand Martin Romualdez, Tingog Sinirangan Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez at Zamboanga Sibugay First District Rep. Welter Wee Palma II.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na sa kabila ng Covid19 pandemic, hindi tumitigil ang mga guro sa pagbibigay prayoridad sa edukasyon ng kabataan.
“Public school teachers are the pillars of basic education in our country. Much is owed to them who tirelessly brave the storms brought about by the limitations of our educational support system,” pahayag ng mga mambabatas sa kanilang explanatory note.
Sa panukala, pagkakalooban ang mga guro sa pampublikong paaralan ng taunang Teaching Supplies Allowance na P10,000 sa unang taon ng implementasyon at itataas ito sa P15,000 at P20,000 sa mga susunod na taon ng pagpapatupad.
Gagamitin ang allowance para sa mga instructional materials tulad ng chalks, papel, ballpen, forms at IT equipment.
Gayunman, nakasaad sa panukala na ang cash allowance ay limitado lamang sa actual classroom teaching sa public basic education.
Minamandato rin sa panukala ang pagsasagawa ng Secretary of Education ng periodic review sa teaching supplies allowance kung saan ikokonsidera ang presyo ng mga kagamitan at kung kinakailangan ay magrerekomenda ng pagtataas nito.