Nation

P10K CASH SUBSIDY SA BAWAT ESTUDYANTE ISINUSULONG

ITINUTULAK ng grupo ng mga kongresista ang pagkakaloob ng P10,000 one-time cash subsidy sa bawat estudyante bilang immediate relief sa gitna ng Covid19 pandemic.

/ 29 May 2021

ITINUTULAK ng grupo ng mga kongresista ang pagkakaloob ng P10,000 one-time cash subsidy sa bawat estudyante bilang immediate relief sa gitna ng Covid19 pandemic.

Inihain nina Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas at Bayan Muna Partylist Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ang panukala na nagsusulong ng financial assistance bilang subsidiya sa mga gastusin sa edukasyon.

Iginiit ng mga mambabatas na nakaaalarma na ang mataas na dropout rates at paglobo ng mental health concerns sa mga estudyante sa gitna ng ipinatutupad na distance learning.

“Students are experiencing difficulties as to how they can continue to fund their education because their parents are unemployed, underemployed, or receiving meager wages,” pahayag ng mga kongresista sa kanilang explanatory note.

Batay sa panukala, magkakaloob ang gobyerno ng student aid na kabibilangan ng P1,000 kada buwan na financial assistance para sa tuition o iba pang gastusin bukod pa sa P1,000 kada buwan na subsidiya para sa online at modular learning expenses.

Ibibigay ang student aid sa loob ng limang buwan sa panahon ng Covid19 pandemic.

Nakasaad sa panukala na ang kabuuang P271 bilyon ay ipagkakaloob sa Department of Social Welfare and Development para sa implementasyon ng student aid.

“This is critical in ensuring that amongst students, those who are economically disadvantaged can still access quality learning. The one-time cash subsidy will be able to help improve access to gadgets, internet connectivity, printing of modules and other materials, and even tuition payments,” pahayag ni Elago.