P100K AYUDA SA MGA ISKUL NA LALAHOK SA F2F CLASSES ‘DI KASAMA SA 2022 DEPED BUDGET
AMINADO ang Department of Education na mahihirapan silang magbigay ng P100,000 cash assistance sa mas maraming paaralan na lalahok sa face-to-face classes sa susunod na taon.
Sa hearing ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, inamin ni DepEd Undersecretary Anne Sevilla na hindi na sasapat ang kanilang pondo upang magbigay ng cash assistance sa mga karagdagang eskuwelahan.
Bukod dito, ang programa para sa cash assistance ay nakapaloob lamang sa kanilang budget ngayong taon at hindi na kasama sa 2022.
Kinumpirma rin ni Sevilla na ang pondo para sa mga nagsimula ng face-to-face classes ay kanila nang na-download sa mga paaralan na ipandaragdag naman sa Maintenance and Other Operating Expenses ng mga ito.
Nilinaw ng opisyal na layon ng pondo na agad na maihanda ang mga paaralan, pisikal man at sikolohikal, sa lahat ng mga kinakailangan para sa in-person classes.
Iginiit din ni Sevilla na inaasahan nila na sa pagpasok ng 2022 ay may sapat na ring kahandaan ang mga paaralan para sa pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante.