Nation

P100K AYUDA SA MGA ISKUL NA LALAHOK SA F2F CLASSES

/ 11 December 2021

MAKATATANGGAP ng P100,000 ang bawat eskuwelahang magsasagawa ng limited face-to-face classes, ayon kay Department of Education Assistant Secretary Malcolm Garma.

Sinabi ni Garma na bibigyan ng ayuda ang 177 na eskwelahan para maipagpatuloy ang physical classes.

Nauna nang nakatanggap ng tig-P100,000 ang unang 100 pampublikong paaralan na nagbukas para sa in-person classes noong nakaraang Nobyembre 15.

“Lahat po ng mga paaralang magiging bahagi nitong ating pilot implementation ay bibigyan po natin ng ayuda sa halagang P100,000 ng sa ganoon ay makatulong po itong halaga na ito sa kanilang paghahanda at pagpapatuloy nitong pilot implementation,” ayon kay Garma.

Maaari rin aniyang humingi ng dagdag na pondo ang mga rehiyon para sa pilot face-to-face classes.

“Batay na rin po sa ginagawa nating pamamaraan para lalong masiguro na magiging tagumpay itong ating pilot implementation ng limited face-to-face, minarapat din po naming hingan ng request ang ating mga rehiyon kung sila po ay nangangailangan pa ng additional fund,” sabi pa ng opisyal.

“Lalong-lalo na po doon sa proseso na magiging bahagi ng proseso ng kanilang monitoring sa mga paaralang kalahok dito po sa ating pilot face-to-face.”