Nation

P100-M SA ‘MAG-NANAY ACT’ PREPARASYON SA 2021 ‘BABY BOOM’

/ 7 January 2021

DAHIL sa inaasahan ng Commission on Population and Development na pagdami ng mga ipanganganak na sanggol sa unang bahagi ng 2021, iginiit ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng mga programang pangkulusugan at pangnutrisyon para sa nangangailangang mga sanggol at mga ina.

Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat paigtingin ang implementasyon ng “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act” o ang “First 1,000 Days Law” na layong matugunan ang pangangailangang pangnutrisyon ng mga mag-ina lalo na sa unang 1,000 araw ng buhay ng sanggol.

Binibigyang prayoridad sa batas ang mga nasa malalayong komunidad kung saan maraming mahihirap na pamilya.

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act, may P100 milyon ang nakalaan para sa complementary feeding program para sa mga ina at mga sanggol na may edad na hanggang dalawang taon.

Bahagi ng programa ang dietary supplementation, ang pagbili ng therapeutic milk at ibang pagkaing mayaman sa protina upang maging malusog kapwa ang bata at ina.

Sa batas, prayoridad ang mga local government unit kung saan laganap ang kakulangan sa nutrisyon ng mga nagbubuntis at nagpapapasusong mga ina, kabilang ang kanilang mga anak.

“Ngayong inaasahan natin ang pagdami ng mga ipanganganak na sanggol sa kalagitnaan ng pandemya ng Covid19, mahalagang bigyan natin ng prayoridad ang kalusugan ng parehong ina at mga anak mula sa pagbubuntis hanggang sa edad na dalawang taon,” pahayag ni Gatchalian.

Ayon sa World Health Organization, ang kakulangan sa nutrisyon sa unang 1,000 araw ng buhay ay naiuugnay sa ‘stunting’ o mabagal na paglaki dahil sa kakulangan sa nutrisyon.

Malaki ang posibilidad na ang mga batang ito ay magpakita ng mas mababang performance sa mga paaralan at productivity pagdating sa trabaho.

Ang mga batang ‘stunted’ ay nanganganib namang magkaroon ng mga nutrition-related chronic disease.

Sa Filipinas, nasa 30.3 porsyento pa rin ng mga bata ang maituturing na stunted, ayon sa Global Nutrition Report 2020.

Ayon sa University of the Philippines Population Institute at sa United Nations Population Fund, nasa 2.5 milyong mga hindi inaasahang pagbubuntis ang maitatala sa huling yugto ng 2020.

Iginiit din ng senador na paigtingin pa ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education tulad ng mandato ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 upang masugpo ang teenage pregnancy sa bansa.