Nation

P10-M DONASYON NG USAID SA MGA GURO AT ESTUDYANTE NA APEKTADO NG PAG-AALBURUTO NG MAYON

/ 29 July 2023

NASA halos P10 milyon ang halaga ng donasyon ng United States Agency for International Development (USAID) sa mga guro at out-of-school youth na apektado ng pag-aalburuto ng Mayon Volcano sa Albay.

Ang donasyon na kinabibilangan ng educational materials at hygiene kits ay tinurn-over nina USAID Philippines Resident Legal Officer Michelle McLeod at Department of Education Region V Assistant Director Bebiano Sentillas sa mga mag-aaral sa Legazpi City, Albay kahapon.

Makikinabang sa donasyon ang 1,700 estudyanteng naka-enroll sa Alternative Learning System ng DepEd at 100 guro sa 34 na apektadong barangay sa Legazpi City at Tabaco City, at mga munisipyo ng Malilipot, Sto. Domingo, Camalig, Daraga, at Guinobatan.

Nauna rito, nagbigay ang USAID ng halos P2 milyong halaga ng learner and teacher kits sa 19 na paaralan bilang bahagi ng kanilang Advancing Basic Education in the Philippines program, na pakikinabangan ng 6,000 estudyante at 200 guro na apektado ng aktibidad ng bulkang Mayon.