Nation

P1-B EDUCATIONAL ASSISTANCE SA MGA ANAK NG OFWs NA NAWALAN NG TRABAHO DAHIL SA COVID-19 PANDEMIC

/ 12 September 2020

NAGLAAN ng isang bilyong piso ang pamahalaan para sa educational assistance sa mga mag-aaral sa kolehiyo na  anak ng overseas Filipino workers na nawalan ng tranaho dahil sa Covid19 pandemic.

Ayon kay Commission on Higher Education Chairperson Prospero De Vera III, makatatanggap ng tig-P30,000 ang mga kwalipikadong benepisyaryo na naka-enroll sa  state universities and community, sa  local universities and colleges o sa private higher education institutions na kinikilala ng Komisyon.

“I-a-announce na namin sa mga susunod na araw. Kung natatandaan ninyo nung SONA [State of the Nation Address] nag-utos ang Pangulo [President Rodrigo Duterte] sa CHED na tulungan ‘yung mga anak nung mga OFW,” sabi ni De Vera.

“Kaya wala pa namang isang buwan mula noon nakahanap kami ng pondo, so mayroon kaming P1 billion na project kasama ang DOLE [Deparment of Labor and Employment] at ang OWWA [Overseas Workers Welfare Administration] na isang anak ng bawat OFW na na-repatrate at hindi na makaalis ay bibigyan ng P30,000 na financial assistance for this school year . . . pandagdag lang para sa kanilang educational needs,” dagdag pa ni De Vera.

Sinabi pa ni De Vera na inaasahang sa mga susunod na linggo ay pipirmahan na nila ang memorandum of agreement kasama ang DOLE at OWWA para sa nasabing programa.

“Hindi pa naman huli dahil nagsisimula pa lang  ang semestre. Puwede na siguro mag-apply within a week or two weeks after we signed the MOA,” pahayag ni De Vera.

“So, ang mangyayari ‘yung list ng qualified na OFW bahala na ang DOLE diyan kasi sila ang may list, ang papel lang ng CHED ay i-double check na enrolled sila. At ang pag-apply nito ang maglilinis nito ay DOLE at ang assistance ay dadaan sa DOLE, mas madaling ibigay dahil ang masterlist ay nasa kanila,” dagdag pa ng CHED chairperson.

Paliwanag pa ni De Vera, posibleng masakripisyo ang pag-aaral ng mga anak ng mga OFW na hindi nakaalis kaagad dahil kulang ang  pambayad nila sa tuition at panggastos.

“So, ito ‘yung bibigyan namin ng assistance, isang anak ng bawat displaced na OFW para mayroon siyang educational assistance for this school year,” sabi pa ng opisyal.

“Ito’y nagpapakita na talaga ‘yung mga OFW ay malapit sa puso ng Pangulo. Kaya “yun yung programa na pinaplantsa namin ngayon.”