Nation

P1.86-M EDUC AID SA MGA MAG-AARAL NA APEKTADO NG PAG-AALBURUTO NG BULKANG MAYON

/ 13 July 2023

AABOT sa P1.86 milyong halaga ng educational materials ang naging tulong ng Estados Unidos sa mga mag-aaral sa Albay na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Ang nasabing halaga ay kabilang sa kabuuang P13 million grants sa pamamagitan ng United States Agency for International Development sa mga komunidad sa Albay.

Habang ang P11 milyon ay direktang humanitarian assistance para naman sa mga residente.

Sa pagbibigay ng humanitarian assistance, nakikipagtulungan ang USAID sa International Organization for Migration sa pagsuplay ng inuming tubig, essential hygiene items, at emergency shelter sa mahigit 2,500 indibidual sa mga evacuation center sa mga munisipyo ng Camalig, Guinobatan, Libon, Malilipot, at Santo Domingo.

Sa tulong din ng USAID, nakapagpamahagi ng 58,000 family food packs sa mga evacuee ang UN World Food Programme at Department of Social Welfare and Development.

Nasa 19 eskwelahan na apektado ng aktibidad ng Bulkang Mayon ang nakinabang sa “learner and teacher kits” na ipinamahagi ng USAID, para sa 6,000 estudyante at 200 guro.