P1.5-B PONDO INILAAN SA TECH-VOC SCHOLARSHIP
NASA P1.5 bilyon ang inilaan para sa scholarship ng mahigit 40,000 indibiduwal sa susunod na taon sa ilalim ng Tulong Trabaho Law, ayon kay Senador Joel Villanueva.
Sinabi ni Villanueva na kanyang dinepensahan sa Senado ang pagpapasa sa proposed budget ng Techincal Education and Skills Development Authority noong nakaraang linggo. Si Villanueva ay naging TESDA director general sa panahon ng administrasyon ni yumaong Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino.
“Tayo ang nagdepensa ng budget ng TESDA last week at ipinasa natin ang additional P10 billion for the scholarship program. Out of the P10 billion, P1.5 billion will go to our Tulong Trabaho Law,” ani Villanueva sa isang panayam pagkatapos nyang magsalita sa harap ng daan-daang TUPAD beneficiaries sa lungsod ng Pasig Biyernes ng hapon.
Nasa 41,000 scholars ang makikinabang sa P1.5 bilyong pondo para sa naturang programa.
“For that P1.5 billion for example na programa, it’s targeting 41,000 scholars at ‘yung 41,000 na scholars na iyon is already equal to 41,000 jobs because it’s guaranteed jobs,” ani Villanueva, chairman ng Senate Labor Committee.
Sinabi pa ng mambabatas na kailangang i-update ang curriculum at compentency requirements ng mga tech-voc scholar dahil pagkalipas ng ilang taon ay obsolete na yaong mga napag-aralan.
“’Yun ang gusto kong laging sabihin dapat ang programa natin ito ‘yung mapapakinabangan ng industriya kasi even if you are a college graduate now after 5 years obsolete na ‘yung pinag-aralan mo. So kailangan nag-a-update ka ng curriculum, nag-a-update ka ng mga competency requirements, ‘yung standards napakahalaga,” sabi pa ni Villanueva.
“’Yun ‘yung lagi natin binibilin sa TESDA, ‘yung pag-develop ng standards na kailangan na kailangan ng industriya para ‘pag graduate mo walang choice ‘yung industry but to hire you. So ‘yun ‘yung ating pinu-push at sinusuportahan natin sa TESDA sa initiative na ito,” dagdag pa ng senador.