OVP NAMAHAGI NG LAPTOP SA MGA ESTUDIYANTE
NAMAHAGI ng laptop computers ang tanggapan ni Bise Presidente Leni Robredo sa mga estudyanteng kapus-palad upang makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral sa gitna ng Covid19 pandemic.
Ayon sa Facebook page ng VP, nakapamahagi ang tanggapan dahil sa suportang handog ng programa nitong ‘BAYANIHAN e-SKWELA’ na naglalayong tulungan ang mga nangangailangang estudyante.
Personal na ipinamahagi ni Robredo ang mga computer sa ilang college student-beneficiaries, kabilang ang mga working student at scholar.
“Pagbabahagi pa ng ilan, nanghihiram lamang sila ng gadget pang-eskwela, nagtitiis sa gamit na smartphone, o kailangang makipagpalitan ng paggamit ng gadget sa mga kapatid ding nag-aaral,” pahayag ng OVP sa Facebook.
“Mayroon din na kailangan ng suporta sa pag-aaral matapos mawalan ng trabaho dahil sa pandemya ang kanilang mga magulang,” dagdag nito.
Samantala, namahagi rin ang OVP ng 400 stuffed animals sa mga batang nasalanta ng mga nagdaang bagyo.