OUT OF SCHOOL YOUTH MAKAPAG-AARAL NA SA ALS NG DEPED
SA ILALIM ng Alternative Learning System ng Department of Education ay maaari nang magpatuloy sa pag-aaral ang mga out-of-school youth.
Bagaman may pandemya, nilinaw ni DepEd Assistant Secretary G.H. Ambat na tuloy-tuloy ang ALS dahil ang modular learning, online at radio-based instructions ay matagal nang ginagawa sa ilalim nito.
“Ito pong mga modalities na ito ay hindi bago sa ALS at ginagamit namin. For this coming school year, ganito pa rin po ang aming gagawin para makapagpatuloy ng pag-aaral ang ating out-of-school youth and adults,” pahayag niya sa isang press briefing.
Dagdag pa niya, inihahanda na ang mga ALS mobile teacher, magulang at mga estudyante sa ilalim ng pandemya.
Nakiisa naman ang mga NGO sa proyektong ito at kasabay na rin nito ang paghahanda ng modules para sa mga estudyante ng ALS.
Ipinaliwanag ni Ambat na may dalawang programa sa ilalim ng ALS.
Una ay ang Basic Literacy para sa mga hindi pa nakakabasa, nakakapagsulat o nakakapagbilang at ang pangalawa ay ang Accreditation & Equivalency Program para sa mga huminto ng pag-aaral noong elementarya at sekondarya upang mabigyang pagkakataon na makumpleto ang kanilang pag-aaral.
Ang ALS ay ang pagbibigay ng oportunidad na makapag-aral ang mga out-of-school youth na hindi makakakuha ng pormal na edukasyon.