Nation

OUT OF SCHOOL YOUTH LUMOBO SA 4M SA GITNA NG PANDEMYA

NAALARMA si Senador Sonny Angara sa dumaraming out of school youth bunsod na rin ng epekto ng Covid19 pandemic sa edukasyon.

/ 8 February 2021

NAALARMA si Senador Sonny Angara sa dumaraming out of school youth bunsod na rin ng epekto ng Covid19 pandemic sa edukasyon.

Ayon sa chairman ng Senate Committee on Youth, dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang seryosong isyu ng paglobo ng OSY na kinalaunan ay maaaring magdulot ng mas malaking problema.

Batay sa datos ng Department of Education, halos nasa apat na milyong estudyante ang hindi nakapag-enrol ngayong academic school year 2020-2021.

Hanggang noong Agosto 11, 2020, inihayag ng DepEd na nasa 23 milyon ang nakapag-enrol sa public at private schools na lubhang mababa kumpara sa 27.7 milyon noong school year 2019-2020.

“We understand that the sharp drop in enrollment for the current school year was due to the restrictions on face-to-face education. We hope to see these figures improve once our schools start to open up again, albeit gradually,” pahayag ni Angara.

“What worries me is that many of the children who were not able to enroll last year could end up missing even more time out of school or worse, drop out completely for one reason or another,” dagdag ng senador.

Batay naman sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2017, siyam na porsiyento o 3.53 milyon ng tinatayang 39.2 Pinoy na may edad anim hanggang 24 ang itinuturing na OSYs.

Sa naturang numero, 83.1 porsiyento ang nasa edad 16 hanggang 24, 11.2 porsiyento ang 12 hanggang 15 taong gulang at 5.7 porsiyento ang anim hanggang 11 taong gulang.

Sa datos ng PSA, lumitaw na ang pangunahing dahilan ng pagiging OSY o hindi pagpasok sa paaralan ay ang maagang pag-aasawa o family problem, gayundin ang kawalan ng personal na interes at mataas na gastusin sa edukasyon.

“The data is alarming and there is a real danger that we’ll end up with even more OSYs now because of the impact of the pandemic on family incomes and the challenges posed by blended learning on both students and their parents alike,” diin ni Angara.

Bilang solusyon, isinusulong ni Angara ang Magna Carta of the OSYs sa ilalim ng kanyang Senate Bill 1090.

Batay sa panukala, palalakasin ang mandato ng Estado sa pagbalangkas ng nga polisiya at programa para sa mga OSY at hihiyakatin sila sa iba’t ibang oportunidad.

Binigyang-diin ni Angara na kailangan ng pagtutulungan ng buong gobyerno upang tugunan ang pangangailangan ng OSYs kasama ang DepEd, Technical Education and Skills Development Authority, Commission on Higher Education, Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry.

Kabilang sa mga programa ang free mandatory technical/vocational education sa pamamagitan ng TESDA at ang pagsama sa mga OSY sa government scholarships sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education.

Bukod sa edukasyon, dapat ding tiyakin ang health benefits at social services para sa mga OSY, gayundin ang makahanap sila ng pagkakakitaan.

Sa ilalim ng panukala, ang mga OSY ay tumutukoy sa mga 15 hanggang 30-anyos, hindi nakapasok sa mga paaralan, walang trabaho at hindi nakatapos ng kolehiyo o post-secondary course.

Bukod kay Angara, nagsulong din ng panukala para sa Magna Carta of the OSY sina Senators Sherwin Gatchalian, Nancy Binay at Ramon Revilla Jr.