OUT OF SCHOOL YOUTH LOLOBO SA 4M DAHIL SA PANDEMYA
INAASAHANG aabot sa halos apat na milyon ang out of school youth sa darating na pasukan, pahayag ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa isang pagdinig sa Senado.
Bagaman nasa 23 milyon ang nakarehistrong papasok sa blended learning education na magsisimula sa Agosto 24, mayroon pa ring halos apat na milyong kakulangan kung ikukumpara sa populasyon ng mga pampublikong paaralan sa Filipinas noong school year 2019-2020.
Bukod dito, 1.5 milyon lamang ang naka-enroll sa mga pribadong paaralan, mas mababa ng halos tatlong milyon kumpara sa nakaraang akademikong taon.
Sa naturang pagdinig ay nilinaw ni Senador Nancy Binay kay Malaluan kung ano ang plano ng DepEd para rito. Tugon niya ay tinatalakay na ito ng administrasyon upang agad na makagawa ng solusyon para ang mga OSY ay “still be able to access learning opportunities” kahit hindi lalahok sa anumang modang pampagkatutong inilatag ng kagawaran.
Sa ngayon, diin ni Malaluan, “our main focus for now is really those that have enrolled for the opening.”
Tuloy na tuloy na ang pasukan sa Agosto 24, ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones.