Nation

OT PAY SA TEACHERS NA NAGTRABAHO NANG LABIS SA BSKE HINILING

NANAWAGAN ang Teachers' Dignity Coalition sa pamahalaan na bigyan ng overtime pay ang mga gurong naglingkod nang labis sa katatapos lamang na barangay and Sangguniang Kabataan elections.

/ 1 November 2023

NANAWAGAN ang Teachers’ Dignity Coalition sa pamahalaan na bigyan ng overtime pay ang mga gurong naglingkod nang labis sa katatapos lamang na barangay and Sangguniang Kabataan elections.

“Marahil dapat lamang bigyan ng overtime pay ang nga gurong dumanas ng ganitong delay upang mabigyan naman ng kompensasyon ang kanilang pagod at puyat,” sabi ni Benjo Basas, tserman ng grupo.

Ayon kay Basas, maraming guro ang dumanas ng matinding hirap, pagod at puyat sa pagsasauli ng mga dokumento at election paraphernalia sa mga tanggapan ng Comelec.

“Sa Taguig, halimbawa, ay dumagsa ang mga guro hanggang umaga para lamang makapagsauli ng mga ito at ang iba ay pinabalik pa ngayong hapon. Sa San Jose Del Monte, Bulacan, hanggang sa mga oras na ito ay mayroon pang mga nakapilang guro na lampas 30 oras nang gising at tuloy-tuloy na nagtatrabaho,” ani Basas.

Dapat aniyang tutukan ng Comelec ang sistematikong retrieval ng election paraphernalia na hindi na kailangang bumiyahe, magpagod at lalo pang magpuyat ang mga guro at iba pang poll workers na naglalagay sa kanila sa panganib.

“Nagawa ito sa ilang lungsod, halimbawa sa Caloocan kaya magagawa rin ito sa iba pang mga lokalidad,” ani Basas.

Samantala, sinabi ni Basas na naging mapayapa sa pagkalahatan ang eleksiyon maliban sa ilang mga naitalang kaguluhan na isolated lamang.

“Marami sa mga natanggap naming ulat ay dahil sa kalituhan halimbawa sa mga senior citizens at PWD voters, nawawalang mga pangalan sa voters’ list at ilan pang mga katulad na kaso,” ani Basas.

“Sa pangkalahatan ay mas naramdaman ng mga guro ngayon ang mas mababang tensiyon at mas mataas na seguridad,” dagdag pa niya.