Nation

OT PAY SA MGA GURONG NAGSILBI SA HALALAN TINIYAK NG COMELEC

TINIYAK ng Commission on Elections na tatanggap ng karagdagang honoraria ang mga guro at iba pang poll workers na nagtrabaho nang sobra-sobrang oras noong Mayo 9.

/ 13 May 2022

TINIYAK ng Commission on Elections na tatanggap ng karagdagang honoraria ang mga guro at iba pang poll workers na nagtrabaho nang sobra-sobrang oras noong Mayo 9.

Sa press briefing, sinabi ni Comelec Acting Spokesman John Rex Laudiangco na kinikilala nila ang matinding sakripisyo ng mga guro at poll workers sa pagsisilbi sa halalan hanggang sa pagbibilang ng mga boto.

Ipinaliwanag ni Laudiangco na hindi ito ang unang pagkakataon na magkakaloob sila ng karagdagang honoraria na maituturing ding overtime pay sa mga guro na nagsilbi nang sobra sa oras.

Sinabi ng opisyal na maging noong 2019 ay nakapagbigay na sila ng additional honoraria bilang pagkilala sa tinawag niyang kabayanihan ng mga titser.

Tiniyak din ni Laudiangco na matatanggap na ng mga poll worker ang kanilang honoraria sa loob ng 15 araw matapos ang halalan.

Nakiisa naman si Senador Joel Villanueva sa mga nananawagan na dagdagan ang honoraria ng mga guro na nagtrabaho nang lagpas sa walong oras bilang poll workers noong halalan.

“Commensurate po dapat ang kanilang allowance sa bigat ng tungkulin na kanilang ginampanan sa eleksiyon. Kasama pa rito ang ‘di nawawalang banta sa kanilang kaligtasan tuwing araw ng halalan, at banta sa kalusugan dahil sa pandemya,” pahayag ni Villanueva.

“Hiling din po natin sa Comelec na maibigay ang allowances ng mga guro sa loob ng 15 na araw matapos ang halalan, alinsunod sa batas,” dagdag ng senador.