OT PAY NG MGA GURO LUMILINAW NA — SOLON
KINUMPIRMA ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na nagkakaroon na ng liwanag ang hinihiling nilang overtime pay para sa mga guro ngayong School Year 2020-2021.
Sinabi ni Castro na matapos ang diyalogo nila sa Civil Service Commission at Department of Education ay nangako ang mga ahensiya na maglalabas sila ng memorandum para sa pagbibigay ng OT pay.
“Mayroon na pong linaw base doon sa dialogue, mayroon nang dina-draft na resolution or memo ang Department of Education para linawin ang pagbibigay,” pahayag ni Castro.
“Mahalaga rito para sa ating mga guro ay kinilala ng DepEd at Civil Service na dapat bigyan ng service credit at overtime pay ang mga teacher na nagsilbi more than doon sa days of work ngayong school year,” dagdag ng kongresista.
Ipinaalala ng mambabatas na matatapos ang school year sa July 10 subalit nagsimula ito noon pang June 10, 2020.
“So, nagke-claim po ang mga guro natin ng karampatang overtime pay at additional compensation o service credit kaugnay niyan,” diin ni Castro.
Sa kuwenga ng grupo hanggang June 24, nasa 59 araw na ang kanilang overtime na dapat tumbasan ng 59 service credit at P16,008.47 na overtime pay para sa Teachers 1.