OSPITAL SA LAHAT NG SUCs NA MAY MEDICAL PROGRAMS IPINATATAYO
ISINUSULONG ni Quezon City 1st District Rep. Anthony Peter Crisologo ang panukala para sa pagtatayo ng mga ospital sa lahat ng state universities and colleges na may medical programs.
Sa kanyang House Bill 8633 o ang proposed Healthcare Development Act of 2021, sinabi ni Crisologo na isa sa problema ng healthcare system ng bansa ang kakapusan ng medical facilities at practitioners.
Ang problemang ito ay partikular aniyang nabigyang-pansin sa Covid19 pandemic.
“The purpose of this bill is to create hospitals in state universities and colleges to strengthen the country’s proficiency in responding to the general public’s healthcare needs, and aid in esuring the efficient and full implementation of the Universal Health Care Act,” pahayag ni Crisologo sa kanyang explanatory note.
Binigyang-diin pa ni Crisologo na mapapalakas din nito ang medical programs sa state universities and colleges dahil magiging training grounds ang mga pagamutan ng medical students at matitiyak ang dagdag na medical experts sa bansa.
Batay sa panukala, pangungunahan ng Department of Health, katuwang ang Commission on Higher Education at University and College Administration, ang pagpaplano at pagtatayo ng pagamutan batay sa kapasidad ng unibersidad o kolehiyo.
Lahat din ng pagamutang itatayo ay magsisilbing research institution na magsasagawa ng research sa medical competence ng bansa.
Ang pondong kinakailangan sa pagtatayo ng mga pagamutan ay isasama sa annual appropriations ng state universities and colleges na saklaw nito.