Nation

ORTIGAS FOUNDATION LIBRARY LILIPAT NA SA GREENHILLS SHOPPING MALL

/ 20 January 2021

INANUNSIYO kamakailan ng Ortigas Foundation Library na inaayos na nila ang mga dokumento at materyales para sa paglipat sa Greenhills Shopping Mall sa San Juan.

Ayon kay OFL Executive Director John Silva, unti-unti na nilang nililinis at nililipat ang mga libro, mapa, retrato, at iba pang koleksiyon ng aklatan nang sa gayo’y mas marami pang mambabasa, mananaliksik, guro, at mag-aaral ang magkaroon ng libreng akses sa mayamang Filipiniana section ng pamilya Ortigas.

“This week will begin the task of packing and transferring the Ortigas Library’s enormous collection of 24,000 volumes of Filipiniana books, maps, prints, photographs most primarily from the collection of Mr. Raffa Ortigas and with additions from the collection of Mr. Francisco Ortigas Jr., and Mrs. Maritoni Ortigas,” sabi ni Silva.

Ipinagmamalaki ng aklatan ang koleksiyon nitong mula sa personal na ari-arian nina Raffa, Francisco Jr., at Maritoni — ang mga puno ng impluwensiyal na pamilya Ortigas noong 1880s hanggang 1940s, sampu ng kanilang ama na si Don Paco.

Nakatala sa kasaysayan na ang mga Ortigas ang bumili ng noo’y  Hacienda de Mandaloyon, ang lupang kinalalagakan ng kasalukuyang mga lungsod ng San Juan, Pasig, at Quezon.

Kuwento ni Silva, “Mr. Raffa Ortigas collected most everything that was Filipiniana in subject because he wanted researchers to go through what had been written and published in the past, and then, reinterpret and offer insights to our history for the present times. Many published books and media offerings today have benefited from the Ortigas Library holdings.”

Patuloy na sumasagot sa mga katanungan sa Facebook ang OFL. Bukas din sila sa mga nagnanais na bumili ng souvenir items, subalit pansamantalang sarado para sa mga mananaliksik.

Inaantabayan na ngayon ng publiko ang bagong aklatan sa Greenhills na inaasahang magbubukas sa Mayo 2021.