ORAS NG PAGLALARO NG MGA ESTUDYANTE SA INTERNET SHOPS PINALILIMITAHAN
ISINUSULONG ni Ang Probinsiyano Partylist Rep. Alfred Delos Santos ang panukala para sa pagtatakda ng minimum standards sa operasyon ng mga internet cafe.
Sa kanyang House Bill 4765 o ang proposed Internet Cafe Regulation Act, sinabi ni Delos Santos na dahil sa modernong teknolohiya, nagsusulputan na rin ang mga internet cafe sa iba’t ibang lugar.
Katunayan, ang mga internet cafe ay kadalasan nang nagiging community hubs at mas nagiging accessible sa publiko.
“It is not far off to say that internet cafes are of vital importance in the daily lives of the people,” pahayag ni Delos Santos sa kanyang explanatory note.
Sa panukala, inaatasan ang mga may-ari ng internet cafe na magkaroon ng sistema at programa para sa monitoring ng oras ng paggamit ng bawat kliyente.
Dapat ding may sapat na bentilasyon tulad ng mga bintana o air vents at air conditioning units ang mga cafe bukod pa sa comfort room na may closed-flush toilet.
Kasama rin sa regulasyong dapat ipatupad ang paglilimita ng anim na oras sa bawat sesyon.
Hindi rin dapat payagan ang mga estudyante sa basic at secondary education na rumenta ng computer para sa paglalaro mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon tuwing weekdays maliban na lamang kung holidays at iba pang special days.
Ang mga lalabag sa regulasyon ay papatawan ng isang taong pagkabilanggo at multang aabot sa P10,000.