OPTIONAL RETIREMENT NI TITSER GAWING 55 YEARS OLD – LAWMAKER
UPANG bigyan pa ng mas mahabang panahon ang mga guro sa pampublikong paaralan na maggugol ng panahon para sa kanilang mga sarili pagkatapos magretiro, isinusulong ni Quezon City District 5 Rep. Alfred Vargas na ibaba ang kanilang optional retirement age.
Sa House Bill 7456 o ang proposed Public School Teachers Retirement Act, inirekomenda ni Vargas na ibaba sa edad 55 ang optional retirement age mula sa 60 anyos.
“Filipino teachers are among the noblest public servants in the country. Their duties and responsibilities for their students and the school administration often goes beyond the six hours each day of instruction time,” saad ni Vargas sa kanyang explanatory note.
Binigyang-diin ni Vargas sa panukala na mahalagang kilalanin ang kontribusyon ng mga gurong nasa pampublikong paaralan at suklian ang kanilang pagsisikap na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga estudyante.
Nakasaad sa panukala, ang pag-amyenda sa Section 13-A ng Republic Act 8291 o ang The Government Service Insurance System Act of 1997 upang baguhin ang nakasaad na edad para sa pagreretiro.
Sa kasalukuyang batas, kabilang sa kondisyon para sa retirement benefits ng mga gurong nasa edad 60 ang pagseserbisyo sa loob ng 15 na taon at hindi pagkakaroon ng buwanang pensyon dahil sa permanent total disability.