Nation

ONLINE SCAM: LAPTOP NAGING BATO; PULISYA PINAKIKILOS NG SENADOR

/ 3 October 2020

PINAGDODOBLE-KAYOD ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang Philippine National Police upang maresolba ang mga kaso ng cybercrime.

Ito ay makaraang mabiktima ng online scam ang isang third year college student na nag-ipon upang makabili ng laptop na gagamitin niya sa online learning.

Sa hearing sa Senado sa 2021 proposed budget ng Department of the Interior and Local Government, pinuna ni Revilla ang kapabilidad ng PNP sa pagresolba sa cybercrimes.

Partikular na kinuwestiyon ni Revilla si PNP Chief Camilo Cascolan kasunod ng pagtaas ng kaso ng hacking, online falsities, online violence, at online scams sa nakalipas na anim na buwan na iniuugnay sa Covid19 pandemic.

“Napakarami ngayong nabibiktima ng mga online selling scams. Napakaseryoso nito dahil involved dito ang identity theft kung saan ninanakaw ng mga bogus seller ang identity ng ibang tao para makipag-transact, tapos maglalaho na lang at iba ang mapagbibintangan,” pahayag ni Revilla.

“Nandiyan din ‘yung pagdating sa’yo ng binili mo, iba kaysa sa binili mo, at ‘yung iba nga, bato ang laman ng kahon, katulad na lang nitong si Arthur Baylon,” dagdag pa ng senador.

Sa impormasyon ng senador, pinagsikapan ni Baylon na makaipon ng pera sa pamamagitan ng pangingisda at pagbebenta ng mga mahuhuling isda kasama ang kanyang ama upang makabili ng laptop.

Umorder si Baylon ng laptop sa online selling app subalit pag-deliver sa kanya ay bato ang laman ng kahon.

“Mabuti at isinauli  ng seller ang pera niya matapos siyang magsampa ng reklamo sa pulis. Nakausap ko itong bata, at umaasa ako na matunton ng pulisya ang gumawa ng kalokohan. He is just one of the many na binibiktima ngayon ng mga kawatan. The police should step-up and we in the Senate will be behind them,” diin pa ni Revilla.