Nation

‘ONLINE SALE’ NG LARAWANG HUBAD NG MGA ESTUDYANTE ‘PINASISILIP’ NI PRES. DIGONG

PINAIIMBESTIGAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ulat na inilabas ng The POST kaugnay sa online ‘Christmas Sale’ ng mga larawang hubad ng mga estudyante.

/ 7 January 2021

PINAIIMBESTIGAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ulat na inilabas ng The POST kaugnay sa online ‘Christmas Sale’ ng mga larawang hubad ng mga estudyante.

Ito ang kinumpirma ni Senador Lawrence Christopher ‘Bong’ Go makaraang makarating na sa kaalaman ng Pangulo ang nasabing ulat.

Sinabi ni Go na inatasan na ng Pangulo ang anti-cybercrime authorities na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kasabay na rin ng direktiba sa Council for the Welfare of the Children na tutukan ang usapin dahil maituturing itong pagsasamantala sa mga kabataan.

Ipinaalala rin umano ni Pangulong Duterte na hindi dahilan ang kahirapan para ibenta ng mga estudyante ang kanilang kaluluwa.

Iginiit naman ni Go na maaaring kasuhan ang mga kasabwat ng mga estudyante sa sinasabing pagbebenta ng malalaswang larawan upang may maipambili ng gadgets para sa online o distance learning.

“Dapat hulihin po kung sino ang mga kakutsaba at sino ang pumapayag sa mga ganitong pagbebenta po ng malalaswang larawan,” pahayag ni Go.

Kasabay nito, nanawagan ang senador sa mga estudyante na huwag pumasok sa mga ganitong uri ng aktibidad.

“Hindi na tayo dapat pumasok sa ganoon at dapat imbestigahan po ito ng ating mga awtoridad at hulihin po kung sino ang mga kasabwat nito. Cybercrime po ‘yan, puwede silang kasuhan,” diin ng senador.

Tiniyak ni Go na handa ang gobyerno na tulungan ang mga estudyante at kailangan lamang nilang lumapit sa kanilang tanggapan.

“Alam ninyo hindi n’yo po kailangang pumasok sa ganun. Nandito po ang gobyerno. Lapitan n’yo lang ang aming opisina, handa kaming tumulong sa inyong pag-aaral,” giit pa ni Go.

Una na ring nanawagan ang senador sa Department of Education at Department of Health na magpatupad  ng mga programa para mapangalagaan ang mental health ng mga estudyante sa gitna ng kinakaharap na krisis.

Sa bawat aktibidad din na pinupuntahan ni Go, hinihikayat nito ang mga estudyante na mag-aral mabuti.

“Sa mga estudyante, mag-aral kayong mabuti, ‘yan lang po ang puhunan natin sa buhay na ito, makapagtapos kayo ng pag-aaral. Alam n’yo kayo ang kinabukasan ng bayang ito kaya mag-aral kayong mabuti. Pangalawa, pagpapasaya ‘yan sa inyong mga magulang na nagtatrabaho, nagpapakamatay para mapag-aral ang mga anak,” diin ni Go.