Nation

ONLINE LEARNING MAGIGING EPEKTIBO SA BETTER NORMAL ACT – SOLON

/ 28 July 2020

MAGIGING maayos ang ipatutupad na online learning sa ilalim ng ‘new normal’ kung tuluyan nang maisasabatas ang Better Normal bill, ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.

Ipinaliwanag ni Defensor na sa ilalim ng House Bill 6864 o ang proposed Better Normal for the Workplace, Communities and Public Spaces Act of 2020, oobligahin ang Department of Information and Communications Technology na palakasin ang ICT system ng bansa.

Sa ganitong paraan, aniya, ay matitiyak na magiging epektibo ang online learning, gayundin ang maayos na operasyon ng mga negosyo.

Aprubado na sa 2nd reading ng Mababang Kapulungan ang panukala at inaasahang maisasalang na sa 3rd reading sa pagbabalik ng sesyon sa July 27 bago isumite sa Senado.

“‘Iyong pagpapalakas sa DICT, talagang iniutos sa batas na ito na ayusin na ‘yong pag-aayos dito sa ating online, maging sa pag-aaral, sa negosyo,” sabi ni Defensor.

Sa pinalakas na ICT system, magkakaroon ng access ang publiko sa internet connectivity upang matiyak na ang mga estudyante ay matututo sa distance learning kahit sa malalayong lugar.

“Ang isang malaking-malaking bagay, ‘yong pag-aaral. Kasi sa ibang bansa nga, noong sinabing walang pasok, ang bilis, agad-agad nakapasok sila sa Internet, nag-ayos agad sila,” diin ni Defensor.

“Sa atin, hindi pa ganoon kalaganap. Sa Metro Manila maaaring maganda na ang Internet connection, ‘yung e-learning na tinatawag, pero sa maraming probinsya, hindi pa ganoon. So, ito ang sinasabi ng batas, palakasin natin ito,” dagdag pa niya.

Bukod sa ICT system, nakasaad din sa panukala ang pagsunod sa iba pang health protocols tulad ng social distancing, gayundin ang cashless payment system sa public transportation at negosyo.

“Long-term din talaga ‘yung gusto ng batas na ito. Marami nang bagay na maitutulak natin, maitutulak ng mga gobyerno na mga programa na maaari nating magamit pagdating ng panahon,” dagdag pa ng kongresista.