ONLINE CLASSES APEKTADO SA BROWNOUTS
NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Energy na agad resolbahin ang sinasabing kakulangan ng suplay ng enerhiya na dahilan ng mga brownout sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na nagpapatuloy pa rin ang distance learning sa mga panahon ngayon kaya napakahalaga ng suplay ng koryente sa bawat bahay.
“Dahil sabi ko nga may pasok pa ngayon hanggang July. Alam naman natin lahat ng bata ngayon ay pinipilit nilang mag-aral online so kung walang koryente at hindi mo ma-charge ang cellphone, paano ka mag-o-online,” pahayag ni Gatchalian.
Sinabi ng senador na siyang pinuno ng Senate Committees on Energy at Education, Arts and Culture na magpapatawag sila ng pagdinig upang alamin mula sa DOE ang kanilang mga solusyon sa brownout.
“Kami, maglulunsad po tayo ng isang pagdinig at titingnan natin kung ano ang mga solusyon na puwede nating gawin in the next 12 months dahil dapat tumigil na ito,” pagbibigay-diin ng senador.
Ipinagtataka rin ng senador kung bakit hindi napanindigan ng DOE ang kanilang pagtiyak na may sapat na suplay ng enerhiya sa bansa at hindi magkakaroon ng brownout ngayong summer.
“Nakakadismaya itong balitang ito dahil nung bago mag-summer at papasok na ang tag-init, nagkaroon tayo ng pagdinig at klaro doon sa pagdinig natin na binigyan tayo ng assurance ng DOE na hindi magkakaroon ng brownout at nasabi nga namin na dapat walang brownout,” dagdag pa ng mambabatas.
“Hindi natin puwedeng tanggapin lang ng ganyan-ganyan dahil tayo bilang consumers, tayo ang kumokontrata ng mga power plant, suplay ng koryente,” dagdag pa ni Gatchalian.