ONLINE CIVIL SERVICE EXAMINATION SYSTEM PINAMAMADALI
HINIMOK ng Senate Finance Committee ang Civil Service Commission na madaliin ang pagbuo ng sistema para sa online civil service examination upang mapunan ang mga bakanteng plantilla positions sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa gitna ng Covid19 pandemic.
Sa pagdinig ng komite sa panukalang P1.896 billion 2022 budget para sa CSC, kinuwestiyon ni Senadora Imee Marcos ang ahensiya sa pagkansela sa computerized examinations.
Ipinaliwanag ni CSC Chairperson Alicia Dela Rosa-Bala na bagama’t computerized ang pagsusulit, kinakailangan pa ring magtungo sa CSC regional offices ang mga kukuha ng pagsusulit.
Sinabi ng opisyal na kinansela ang computerized examinations dahil sa mga ipinatupad na travel restrictions bunsod ng pandemya.
“Anong klaseng computerized kung hindi naman virtual? Bakit pupunta pa sa regional offices?” tanong ni Marcos.
Inamin ni Dela Rosa-Bala na hanggang ngayon ay binubuo pa rin inla ang sistema para sa online examination.
“We understand, but we have to identify the appropriate vendors that will meet our requirements for the purpose. Right now, we have developed the terms of reference,” diin ng CSC chairperson.
Sinabi naman ni Marcos na kung nasa term of reference pa lamang ang pag-uusap para sa online examniation, nanangangahulugan na matatagalan pa ito.
“Kung nasa level pa ‘yan ng TOR kailan pa iyan ma-implement?” tanong pa ni Marcos.
“This is at utmost urgency, as you know, there are thousands of unfilled plantilla positions and yet you are not qualifying anyone for a long, long period under the pandemic. So I need a schedule,” dagdag pa ng mambabatas.
Tiniyak naman ni Dela Rosa-Bala na posible nilang matapos ang sistema at maipatupad ito ngayong taon.
Nangako rin si Dela Rosa-Bala na magsasagawa ang CSC ng online examination sa unang quarter ng susunod na taon.
Noong 2020, isang pen-and-paper test para sa Foreign Service Officers at dalawang computerized examinations ang isinagawa ng CSC habang ngayong 2021 ay tatlo ang pen and paper examinations at dalawa pa ang pending tests.