ONE-TIME CASH AID SA TEACHERS APRUB NA SA BICAM PANEL
NAGKASUNDO na ang mga senador at kongresista na miyembro ng bicameral conference committee para sa Bayanihan to Recover as One Act sa ilang probisyon sa panukala.
NAGKASUNDO na ang mga senador at kongresista na miyembro ng bicameral conference committee para sa Bayanihan to Recover as One Act sa ilang probisyon sa panukala.
Isa sa agad na napagkasunduan sa unang araw ng bicameral conference committee meeting ang pagbibigay ng one-time cash assistance sa mga teaching personnel at non-teaching personel na hindi nakatanggap ng ayuda sa Bayanihan to Heal as One Act.
Gayunman, dahil unang pasada pa lamang ito ng pagpupulong ay hindi pa natalakay ang halaga ng ibibigay na ayuda at kung ilan ang kuwalipikadong mabigyan subalit tiniyak na saklaw nito ang mga guro sa mga pribadong paaralan, gayundin ang parttime faculty members sa state universities and colleges.
Samantala, nanawagan si Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago sa mga kapwa niya mambabatas na maging malinaw ang paggugugulan ng pondong ilalaan para sa edukasyon sa ilalim ng tinatalakay na panukala.
Sinabi ni Elago na kailangang pondohan ang mga dagdag na alternatibong pamamaraan ng pagtuturo, gayundin ang libreng gamit sa mga mag-aaral at guro.
Nais din ng kongresista na palawakin ang tulong pinansiyal para sa mga estudyante, guro at kawani sa edukasyon, kabilang na ang pagbibigay ng dormitoryo, transportasyon at iba pang batayang serbisyo.
Upang matiyak ang dekalidad na edukasyon, kailangan din aniyang magkaroon ng dagdag na mga teaching at non-teaching personnel at maglaan ng subsidiya sa maliliit na pribadong paaralan.
Napagkasunduan na rin sa bicam meeting ang pagpopondo para sa pagsasagawa ng mass testing; loan condonation sa agrarian reform beneficiaries; P15,000 cash assistance sa health workers na nagkaroon ng mild at moderate Covid19 at ang 60-day grace period sa pagbabayad ng mga loan kasama na ang mga credit card.